Monday, January 16, 2017

Madayaw, Dabaw ... lagi! (Davao-speak 101)



[This was first published in Buhay Pinoy of the Philippine Online Chronicles sometime in September 2013. I'm sharing it here now that Davao is in the limelight because of the popular President Rodrigo Roa Duterte who is from Davao.]

Tuwing Agosto dinadaos ang “Kadayawan Festival” sa Lungsod ng Dabaw.

Ang salitang “kadayawan” ay hango sa salitang Dabawenyo, “madayaw,” na ang ibig sabihin ay mabuti, maganda, mahalaga at mahigit. Isa rin itong pagbati na parang “mabuhay” ang dating. Ang festival na ito ay parang isang pasasalamat sa mga biyayang natanggap ng mga Dabawenyo sa nagdaang taon. Ito ang katapat ng Sinulog ng Cebu, Maskara ng Bacolod, Moriones ng Marinduque at ng sandamakmak pang festivals ng Pilipinas.

Pero hindi tungkol sa “Kadayawan” ang ikukwento ko. Ang Agosto rin ang tinaguriang “Buwan ng Wika” kaya eto ang isang pahabol na kaalaman tungkol sa isang wikang maaring sumusulpot pa lamang. Naisip kong ibahagi ito lalo na sa panahon ngayon na ang presidente ng Pilipinas ay taga-Davao at nalalagay sa “limelight” ang lungsod na ito nang dahil sa kanya.

Pag nabanggit ba ang Dabaw, ano ang naiisip mo? Durian? Philippine agle? Orchids? Mangosteen? Marang? Duterte, siyempre? Pero narinig mo na ba ang tinatawag na "Davao-speak" o nakarinig ka na ba ng taga-Dabaw magsalita?

Ang Dabaw o Davao ay tinaguriang isang ‘melting pot.’ Ang mga katutubong taga-Dabaw ay ang mga Manobo, Mandaya, Bagobo, Dabawenyo at marami pang ibang tribo. Pero marami na rin ang nanggaling sa iba’t ibang lugar sa Luzon at Visayas. Kaya pag dating sa lenguwahe dito, iba’t iba rin ito. May Tagalog, Cebuano, Boholano, Ilocano, Ilonggo, Waray, at ang mga salita ng katutubo.

Sa pag daan ng mga taon, may isang uri ng pagsasalita sa Davao na parang naging ‘uso’ o sadyang taga-Davao lang ang kadalasang maririnig na magsalita. Wala pang pormal na tawag dito. Mahirap ngang ispelengin kung baga kasi tiyak pagtatawanan ito ng mga Tagalog at lalong itatanggi ito ng mga Cebuano. Sabihin na nating pinaghalong Tagalog o Bisaya ito na hindi naman “TagBis” o “BisLog.” Gusto nyong malaman ang ‘sampol’ nito?

Ang madalas na expressions ay “gyud” o “gud”, “lagi” (mabilis ang bigkas), “bitaw” (parang binitawan), “man” at “ba.”

  • · Ang ganda gyud ng girlfriend ko ba. (Ang ganda talaga ng girlfriend ko.)
  • · Masarap lagi ang ulam mo. (Ang sarap ng ulam mo.)
  • · May assignment bitaw tayo, nagawa mo na ba? (May assignment nga tayo, nagawa mo ba?)
  • · Hindi man ako ang may kasalanan. (Hindi ako ang may kasalanan.)
  • · Naglagot ako sa iyo ba! (Naiinis ako sa ‘yo!)
  • · Hindi gud hipon ang mga babae sa Davao. (Hindi naman hipon ang mga babae sa Davao.
Paggamit ng mga prefixes katulad ng “gi-,” “nag-,” “naga-,” “maka-,” at “ka-” na dinudugtong sa mga verbs at adjectives. Ganun din ng “-ha” bilang suffix.

  • · Gibili ko yan sa SM, gusto mo? (Binili ko yan sa SM, gusto mo?)
  • · Nagsakay kami ng taxi kaya nakarating kami agad. (Sumakay kami ng taxi kaya nakarating kami agad.)
  • · Nagapuyat kasi ‘yan sya kaya ang daming eye bags. (Nagpupuyat kasi sya kaya ang daming eye bags.)
  • · Makainit lagi ng ulo itong aso ko oy. (Nakakainit ng ulo itong aso ko.)
  • · Kaganda ng palabas no? (Ang ganda ng palabas ano?)
  • · Lakiha ng bahay nila! Gandaha pa gyud. (Ang laki ng bahay nila. Ang ganda pa!)
Dagdag na mga salita katulad ng “kay,” “ku-an,” “beh,” “ano,” at “nakin.”

  • Hindi ko sya pinansin kay naglagot ako sa kanya. (Hindi ko sya pinansin kasi nainis ako sa kanya.) 
  • Nagku-an ka dyan? Or Naga-ano ka dyan? (Ano’ng ginagawa mo dyan?) 
  • Pakita nga ng bagong phone mo beh! (Patingin nga ng bagong phone mo!) 
  • Alam nakin saan nagatago si Juan. (Alam ko kung saan nagtatago si Juan.) 
Mga iba’t ibang superlative expressions katulad ng “kuyawa,” “grabeha,” o “kagrabe” “galinga,” at “ayusa.”

  • · Kuyawa ng classmate ko, perfect man ang score.
  • · Grabeha sa nangyari oi, marami ang nasugatan ba.
  • · Kagrabe mo naman, joke lang gani yon, nagalit ka diay? 
  • · Galinga ng singer ng concert, napakanta gud ako.
  • · Ayusa ng bagong car ng uyab mo no!
May mga pailan-ilang mga tanong tulad ng “Anohin man natin ito oi?” kung gustong malaman kung ano’ng gagawin sa isang bagay. At di mawawala ang pagmumura ng iba ng “yawaa ana ba!” (Devil!)

Iilan lamang ito sa marami pang ibang mga paraan ng pagsasalita sa Davao na sadyang sa Davao o mga taga-Davao lang ang nakakapagsalita. Maaring kutyain ito ng mga elitista sa lenguwahe pero sa palagay ko maaari rin itong mag-evolve bilang isang ganap na lenguwahe balang araw. Hahayaan ko na ang mga eksperto sa pag-aaral nito.

Nung maliliit pa ang mga anak ko, sabi ko sa kanila, pag nag-Tagalog sila, dapat tuwid, pag nag-Bisaya sila, dapat tuwid din at lalo na pag nagsalita sila ng English, straight din dapat. Hindi natin alam baka balang araw, sila naman ang magsabi nito sa mga anak nila at may dagdag pang, “Ang ginasabi ko sa inyo, pag nag-Davao speak kayo ba, gusto ko tuwid din kay para maintindihan gyud kayo. Nagatira kayo dito sa Davao tapos hindi kayo marunong magsalita ng ganito. Kahiya naman oi!”

So, ngayong presidente na natin si Mayor Digong, malay natin, baka gawin itong pambansang wika? Hahaha. Hindi bitaw oi. Ginabiro lang kita ba.

Lagi, bitaw!


No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...